Bilang alay ng The Australian Filipina para sa Buwan ng Wika, aming ibinabahagi ang tulang katha ni Ginoong Rado Gatchalian. 

LIHAM PARA SA KABABAIHANG PILIPINA
(Inspirasyon mula sa Liham ni Rizal para sa mga Kababaihan ng Malolos)
 
1.
Kung di kalabisan: matutong lumaban nang patas,
hindi lang sa paghugot ng damdamin at salita;
Maging matapang dahil pinaglalaban ang tama
at gamit ang inyong talino at isip na matalas.
2.
Mag-ingat sa inyong matamis na pananalita,
Itiklop ang bibig sa mga paninira sa kapwa;
Pagsumikapang baguhin ang imaheng Pilipina,
may paggalang sa sarili at sa iba.
3.
Pagsumikapang matuto at magbasa ng libro,
ang kaalaman pa rin ang magliligtas sa inyo;
Ang tunay na kalayaan ay makakamtan lamang
kung ang karunungan ang inyong sandalan.
4.
Huwag paaapi, huwag susuko sa diablo ng lipunan,
maging matapang dahil ito ang kailangan;
Huwag magpakamartir sa taong di marunong magmahal,
nararapat lamang na ibigay sa inyo ang dangal.
5.
Pag-isipang mabuti kung ano ang mas nararapat:
ang kagandahang-panloob ang mas nakaaangat;
Hindi ang palamuting kumikinang sa labas,
kundi ang kabutihan ng pusong marangal.
6.
Hanapin niyo ang pinakaiingatang yaman
sa tagumpay at ligaya ng inyong mga anak;
Subalit huwag malumbay sa pagkabigo,
ang mahalaga ay panatag, may buhay, at buo.
7.
Manalangin dahil napupuspos ng pag-ibig,
nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa;
Pasasalamat at kabanalan ang inyong pananalig,
maging panatag subalit mapagkumbaba.
8.
Umiyak at ibuhos ang lahat ng hinagpis,
babaeng may kirot at naghahanap ng lambing;
Subalit huwag susuko sa anumang pagsubok,
bumangong muli at huwag maging marupok.
9.
Ang mundo sa inyo ay nagbibigay-pugay!
Pilipinang may dangal at lubos na nagmamahal:
sa pamilya, anak, kaibigan, at Inang Bayan.
Ang Pilipinas ay binigyan niyo ng natatanging buhay!
10.
Sa bawat ate, binibini, guro, lola, at ina, maraming salamat
sa inyong sakripisyo, pagtitiis, at paghihirap —
Binigyan niyo ng pangarap at kinabukasan
ang kabataang uhaw sa pagmamahal subalit pag-asa ng bayan!

Sino si Rado Gatchalian?

Si Rado Gatchalian ay tubong Dagupan City, Pangasinan. Bata pa lamang ay nahumaling na sa pagsulat ng tula. Mula noon hanggang ngayon, sa Pilipinas man hanggang sa Australia, ay patuloy na nagsusulat ng tula at sanaysay gamit ang Tagalog o Filipino bilang pagpapalaganap na rin ng pagmamahal sa Sariling Wika, Kultura, at sa ating Tinubuang Lupa.


Siya ay kabilang ng pangkat ng Radio Tagumpay na sumapawid tuwing Miyerkoles, ika 6-8 ng gabi sa Triple H 100.1FM.  Maaring pakinggan sa pamamagitan nito:  Homepage - Triple H 100.1 FM (triplehfm.com.au)

Leave a Comment

Word Count: 0

 

 
Sponsors
 

Newsletter Signup